TUGUEGARAO CITY – Positibo ang Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) na muling maitatala ngayong taon ang mataas na tourist arrival, mas higit sa naitala nitong 2022.
Sinabi ni Supervising Tourism Officer Archimedes Ancheta na ang katiyakan ay nakikita sa paglago ng tourist arrivals sa unang hati 2023, kung saan umabot sa mahigit 168 libo, kumpara sa mahigit 146 libo lamang noong January-June 2022.
Ayon kay Ancheta na maliban sa indicator na ito, ay higit pang nakakatulong ang sigasig ngayon ng Administrasyon ni Secretary Katrina Ponce Enrile na halos lahat ng pagkakataon ay sinasamantala upang mai-promote ang Freeport.
Ang promosyon ng Freeport aniya ay hindi lamang bilang isang magandang investment zone kundi tahanan din ito, ng magagandang tanawin at pasyalan na iba sa alok din ng ibang tourist destinations.
Higit lalo, aniya ngayon na ang target ng Administrasyong Ponce Enrile ay hindi lamang domestic kundi international tourists.
Kaugnay nito, inihahanda na sa Freeport ang gagawing zoning para sa posibleng lugar o destination na ilalaan para sa mga international tourists katulad ng ginagawa umano sa ibang bansa; iba naman ang para sa domestic tourists. [RP1 Tuguegarao]